Saturday, 19 March 2011

“Sono tutti così i Filippini? (Ganyan ba talaga lahat ng mga pilipino?)”

“Sono tutti così i Filippini? (Ganyan ba talaga lahat ng mga pilipino?)” 

Martes ng hapon, October 5, 2010.
Di ko yata makakalimutan ang araw na ‘yun dahil pasado ito sa listahan ng mga pinakabwisit na araw sa buong buhay ko.
Kung may C-Cleaner lang sigurong available para sa operating system ng utak ko, ang araw na ito ang unang-unang file na buburahin ko sa memory ko.
Kahit ngayon, after 2 months, nasisira pa rin ang araw ko kapag naaalala ko ‘yung tanong na ‘yun ng italyano kong amo. Ito ay pagkatapos na ma-bad trip na rin siguro siya sa dami ng kapalpakan na nangyayari sa bawat encounter niya sa mga pilipino. 

Sono tutti così i Filippini? ”

Bwiset. Nakakasama ng loob na marinig ‘yung tanong na ‘yun, ah.
Una sa lahat, ano ba ko? Pilipino rin naman ako, ah? Ginagawa ko naman ang makakaya ko para maiayos at mapagbuti ang trabaho ko. Nagkakamali ako madalas pero pinipilit ko naman talagang bumawi, sa ibang paraan tulad ng extra hours sa trabaho na di ko na pinapabayaran.
Dahil gusto ko ay deserving ako sa sweldo ko.

Sono tutti così i Filippini? ”

Ang pakiramdam ko noon, kutong lupa ako. Na napakababa ng mga Pilipino. Masama ang loob ko at gusto kong tirisin nang paulit-ulit ‘yung huling pilipino na dahilan kung bakit, ika nga eh, napuno na ang salop ng amo ko.
Kaso ano’ng laban ko eh katatapos lang akong ma-sermunan sa nagawa kong pagkakamali sa trabaho, bukod pa sa pagiging badtrip niya dahil sa isang kliyente niyang pilipinong di mahagilap sa oras ng bayaran at sa isa pang kababayan natin na ipinakilala ko sa kanya para sa isang trabahong pang-domestic kung saan maayos namang kausap sa umpisa pero kung bakit napraning kinabukasan.
Tapos eto na naman. Palpak na naman mula sa lahi ni Juan de la Cruz.
Iyon namang araw na ‘yun, may ka-meeting sana siyang pilipina para sa isang domestic work, alas sais ng hapon ang usapan, na-late lang ang boss ko ng kalahating oras, pagdating niya sa tagpuan nila, wala. Nilayasan siya. Tinatawagan naman naming ‘yung pilipina, cannot be reached ang cellphone. Hindi mahagilap. Walang may kakilala.
Nasayang pa tuloy ang oras niya na dapat ay ginugol sa trabaho.
Tae. Ako na nga tumutulong, ako pa napagalitan. 
Bwiset talaga.

Sono tutti così i Filippini? ”

 Mahigit 2 buwan na ang lumipas pero umuugong pa rin sa tenga ko ‘yung tanong niya na ‘yun.
 Sa tuwing nagkakamali ako sa opisina kung saan ako nagtatrabaho bilang sekretarya  ng italyanong abogado.
Sa tuwing puro sakit ng ulo ang inaabot ng amo ko sa mga kliyente niyang pilipino (na di mahagilap, late dumating sa appointment, kulang-kulang ang dalang dokumento o pahirapang singilin sa pagbabayad ng lawyer’s fee).
Sa tuwing may napapabalitang mga pilipinong nagkalat na naman ng kagaguhan dito sa italya: drugs, sugal, mga lasing na nagpang-abot dahil sa wala sa lugar na kayabangan...
Sa tuwing napapasyal ako sa Philippine Honorary Consulate Office kung saan ako volunteer paminsan-minsan at naririnig ko ang mga “same as always” na kapalpakan ng mga pinoy… mula sa mga aplikanteng nag-aayos ng dokumento na makukulit at matigas pa sa marmol ang mga ulo (paulit-ulit na tanong, kulang-kulang na dokumento kahit ilang beses mo ulitin at pagpipilit na pumunta sa oras at araw na sarado ang opisina), hanggang sa mga leaders (or pumapapel lang) ng iba’t-ibang  mga associations (na by the way ay kasinrami na ata ng mga isla sa pilipinas at ganun din kawatak-watak), mga laging nakapostura at pagandahan sa costume pero ang karamihan ay gising lang yata kapag may narinig na “Oy, oh! Picture-taking daw...picture!”. 
Karamihan din sa kanila ay lumilitaw lang pag tapos na ang isang project at finishing touches na lang ang kailangan. Finishing touches in the sense na ipe-present na lang, and when they do, aakalain mong sila ang gumawa ng project mula umpisa hanggang katapusan. Some even have the nerve to claim it as their own.
Syempre pa sa presentation ng project kailangan madaming madlang pipol na “witnesses”, together with the non-stop flashing cameras para sa “photo documentation” a.k.a. patunay ng “kanilang hard work”.
At ‘yung pobreng talagang dapat makatanggap ng merit, nandun sa likod ng stage, bumubuo ng panibagong project na ipinagdadasal niyang di na ulit mapa-pirate ng mga buwaya niyang kababayan.

Mas nakakainis kesa nakakatawa ang paulit-ulit na scene sa bawat official na pagtitipon ginaganap. Anak ng timaan ng kulugo, makuhanan lang ng picture kasama ang mga sikat at kilalang tao na dumadalaw sa Tanggapan ng Konsulado Onoraryo dito sa Firenze, halos matakpan at matapakan na si Consul.
Ganito ba talaga tayong mga pilipino? Minsan kahit may burol, pag sinabing kukuhanan ng picture, pang-model ng Close-Up toothpaste ang ngiti. 
Leche flan na buhay ‘to!

Sono tutti così i Filippini? ”

Nung narinig kong ‘yun, gusto ko sanang magalit at sumagot ng isang matigas na “Hinde!”
Kaso sa bandang huli, naisip ko baka isupalpal pa sa mukha ko ‘yung iba’t-ibang examples ng mga kapalpakan listed above kaya tumahimik na lang ako at humingi ng paumanhin.                                                                                                           
Which, by the way, was a really bad idea kasi ‘yung tampo ko sa amo ko ay napatuon naman sa sarili ko.
I had the chance to defend my own nationality, pero tulad ng isang tipikal na pinoy, nagpakumbaba na lang ako.
Na naman.
Kaya siguro madali tayong nasasakop at kinakaya-kaya lang ng mga dayuhan kahit noon pa…
Mabilis kasi magpakumbaba ang mga Pilipino. Nagso-sorry agad kahit minsan di naman kasalanan, huwag na lang humaba ang usapan o huwag lang magalit ang mga banyaga.
Ngayon tuloy pag may nagagawa akong kapalpakan sa trabaho, ayaw nang marinig ng amo ko ang “sorry” ko.
Nawawalan na siguro kasi ng epekto ang salitang ‘yun sa daming beses na nagamit ko na.
Ngayon tuloy tumatahimik na lang ako.
And I try better. I try harder. But it never seems to be enough.
Umuugong pati lagi kasi sa tenga ko ‘yung pesteng tanong na ‘yun.

Sono tutti così i Filippini? ”

Gusto ko talagang sumagot noon. Gusto kong patunayan na hindi siya nagkamali sa pagpili sa akin na magtrabaho sa opisina niya.
Gusto kong ipagtanggol ang pagiging pilipino ko na pakiramdam ko’y natapakan nang husto dahil sa simpleng tanong na ‘yon.
Pero kung sumagot ako ng “hinde” noon, sino ang maipagmamalaki ko sa amo ko na magaling na Pilipino?
Ang mga OCWs at OFWs, mga tinaguriang mga bagong bayani... ganun nga ba ang turing sa’tin pag umuuwi tayo sa sariling bayan?
Di ba hindi naman?
Binabastos pa nga tayo ng mga government officials kapag nag-aayos tayo ng mga papeles. Gagawin ang lahat para mahirapan ka at mapilitang mag-abot na lang ng pailalim, matapos na lang.
Bayani? Sinong niloloko nila?
Bayani ka lang habang may pera ka pang maibibigay sa kanila at maipapasok sa kaban ng bayan. Parang ngang joke-joke lang eh …
Kaya siguro sa halip na si Andres Bonifacio eh si Jose Rizal ang National Hero natin. Mas may kaya daw kasi si Pepe... kahit dedo na pwede pa ring pagkakitaan ang mga naiwan niyang mga akda.
Eh si Andrew, wala lang. Di naman pwedeng ibenta o pa-rentahan ang tapang.

Speaking of which… eh etong mga orig na bayani natin?
Wala na sila eh. Matagal na.
They belonged to another era, another generation...  
Noong di pa masyadong dinidiyos ng mga Pilipino ang pera, ang kasikatan at ang mga ibang lahi.
Noong umiiral pa ang pagpapahalaga sa dignidad bilang Pilipino at sabi nga ay hindi pa tayo kilala bilang mga “mababait at mapagkumbabang clowns” na lagi lang nakangiti at nang-eentertain.
Noong panahon na di pa adik ang mga Pilipino sa pag-pose sa harap ng camera...
Noong mas may sense pa ang buhay at hindi nasasayang sa harap lang ng Facebook sa kaka-upload ng mga pictures …

Sono tutti così i Filippini? ”

Gusto kong sumagot na “Hinde”. Gusto kong ipagpilitan na hindi tayo bobo. Na maaasahan tayo. Na may pag-asa pa ang Pilipinas na nag-hihingalo.
Kaso pag tumitingin ako sa paligid… nawawalan ako ng lakas ng loob.
At tahimik na lang na bubuntong-hininga.
Kasi ang nakikita kong sagot sa paligid ay “Oo”.
Siguradong may tatamaan. Siguradong may masasaktan.
At sigurado ring may kokontra. Siguradong may aangal.
Sige lang, comment lang, parang awa na ninyo.
Tulungan nyo akong kumbisihin ang sarili ko na hindi lahat ng Pilipino ay ganito…

Florence, Italy, 12th of December 2010

Irene Langes

No comments: